Sa kanilang pagharap sa Senate committee on environment and natural resources, hayagang sinabi nina ex-Gov. Lutgardo Barbo ng Eastern Samar, Bishops Leonardo Medroso (Borongan), Angel Hobayan (Catarman), Emmenuel Trance (Catarman) at Jose Palma (Calbayog) na lumalabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Sen. Enrile dahil sa umanoy conflict of interest makaraang pagkalooban ng permiso ni Sec. Defensor ang SJTC ng timber licensing agreement para magtroso mula sa 95,770 ektaryang lupa sa Eastern Samar.
Ayon sa mga obispo, mas binigyan ng prayoridad ng DENR ang pagnenegosyo kaysa protektahan ang karapatan ng mga residente sa likas na yaman ng kanilang lalawigan.
Binatikos din ng mga obispo ang kawalan ng public hearing upang makuha sana ng DENR ang pulso ng mga residente ukol sa pagbuhay ng pagtotroso ng SJTC sa kanilang lalawigan.
Magugunita na lumutang ang hinala ng ilang kritiko ng mambabatas na kaya muling binigyan ng permisong magtroso ang SJTC na binili ni Enrile sa Swedish Matches Inc. noong 1977 ay dahil sa paglipat umano ng mambabatas sa kampo ng administrasyon mula sa hanay ng oposisyon.
Sa panig naman ni Enrile, inakusahan nito ang kanyang kritiko na ignorante dahil wala namang Tribong Manobo sa nasabing lugar habang naunang naitayo ang SJTC bago naging Samar Island Nature Park ang lugar kung saan ay nagtotroso ang kumpanya ng senador. (Rudy Andal)