Garci sinungaling – Rep. Remulla

Tinawag na sinungaling ni Cavite Rep. Gilbert Remulla si dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano dahil sa pagtangging lumabas ito ng bansa.

Sinabi ni Rep. Remulla, dating chairman ng house committee on public information, malinawag ang sinasabi ng mga dokumento na nagtungo si Garcillano sa Singapore noong Hulyo 14 habang pinaghahanap siya ng Kamara dahil sa "Hello Garci" wiretapped tape investigation.

"The documents from the DFA and Singapore do not lie. Unless they will claim that Garcillano who went to Singapore is different from the Comelec Commissioner," dagdag pa ni Remulla.

Pinakakasuhan naman ni House Minority Leader Francis Escudero ang mga sinasabing ‘handlers’ ni Garcillano dahil sa ginawang pagkanlong dito.

Sinabi ni Rep. Escudero, dapat kasuhan ng kriminal at administratibo ang sinumang nagtatago kay Garcillano.

Samantala, umapela si Davao City Rep. Prospero Nograles sa oposisyon sa Kamara na hayaan munang humarap si Garcillano sa pagdinig bago ito husgahan.

Magugunita na itinanggi ni Garcillano na lumabas siya ng bansa sa kabila ng ginawang pagkumpirma dito ng DFA at Singapore authorities.

Sinabi ni Garcillano, naririto lamang siya sa bansa at nagtatago matapos magpalabas ng warrant of arrest at P1 milyong reward ang Kamara laban sa kanya. Aniya, mas ligtas pa rin siya sa Pilipinas kaysa lumabas ng bansa.

Ayon kay DFA Spokesman Gilbert Asuque, ibinase lamang nila ang kanilang ulat sa ipinadalang report ng ating embahada sa Singapore na nagmula naman sa Ministry of Foreign Affairs ng Singapore.

Hindi naman interesado ang liderato ng AFP na makuha ang testimonya ni Garcillano kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon ng Fact Finding Board sa paratang na may heneral na sangkot sa dayaan noong May 2004 elections. (Malou Rongalerios/Ellen Fernando/Joy Cantos)

Show comments