Sa isang phone interview, sinabi ni Major Lyndon Sollesta, spokesman ng Armys 3rd Infantry Division (ID), sakay ng dalawang truck ang mga elemento ng 47th Infantry Battalion (IB) at Task Force Panay at pabalik na sa headquarters ng 47th IB nang biglang sumambulat ang patibong na landmine na itinanim sa highway ng Sitio Simambad, Brgy. Mamberawan.
Galing sa security patrol operations ang mga sundalo bilang tulong sa puwersa ng pulisya kaugnay ng gaganaping SEA Games sa Bacolod City at Cebu.
Matapos sumabog ay niratrat pa ng mga rebelde na nakaposisyon sa highway ang mga sundalong nasabugan. Dead-on-the-spot ang siyam na sundalo habang 20 pa ang nasa kritikal na kondisyon.
Nagawang makipagpalitan ng putok ng mga nasugatang sundalo na lulan ng ikalawang convoy kaya napilitan ang mga rebelde na magsiatras.
Pansamantalang hindi tinukoy ni Sollesta ang pangalan ng mga nasawi dahil kailangan pang impormahan ang pamilya ng mga ito.
Ang Task Force Panay ay pinamumunuan ni Col. Gregorio Fajardo at ang 47th IB ay sa ilalim ni Lt. Col. Mariano Antonio Flores.
Nabatid na ang grupo ng mga umatakeng rebelde ay mula sa Central Front Committee.
Isang hot pursuit operations na ang inilunsad ng tropa ng militar laban sa grupo.