Gabinete ni PGMA sumipot sa Senado

Sumipot na ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Arroyo sa pagsisimula ng pagdinig ng proposed P1.053 trilyong budget sa committee of the whole ng Senado matapos payagan ang mga ito sa pamamagitan ng Memorandum Order 192.

Sa pamamagitan ng nasabing Memo Order 192 ay pinayagan ang mga cabinet members na dumalo sa pagdinig ng Commission on Appointments at budget hearing ng Senado at Kamara.

Kabilang sa mga dumalo kahapon sa committee of the whole ng Senado sina Budget Sec. Romulo Neri, Finance Sec. Margarito Teves, Bangko Sentral Gov. Amando Tetangco, NEDA director-general Augusto Santos at BIR Commissioner Mario Bunag.

Inamin ni Sec. Teves na kaya lamang sila nakadalo sa hearing ng Senado ay dahil pinayagan sila ng Palasyo sa pamamagitan ng MO 192.

Samantala, kinuwestiyon ni Sen. Manuel Villar Jr., chairman ng senate committee on finance, ang P8 bilyong pork barrel ni Pangulong Arroyo na gagamitin para sa Kilos-Asenso program.

Nanawagan naman si Zamboanga del Sur Rep. Antonio Cerilles sa Senado na huwag silang agawan ng trabaho kaugnay sa pagtalakay sa pambansang budget.

Sinabi ni Rep. Cerilles, dapat hintayin ng Senado ang aaprubahan ng Kamara na proposed budget bago nila talakayin ito sa mataas na kapulungan. (Rudy Andal/Malou Rongalerios)

Show comments