Armado ng mga placards, nagsisigaw ang party-list group na Alliance for Nationalism and Democracy (ANAD) at tinawag na "kangaroo court" ang nasabing paglilitis laban sa Pangulo.
Mahigit 10 katao na kasapi sa ANAD ang nasugatan ng magpang-abot ang pro at anti-GMA sa gallery ng teatro.
Pormal na sinimulan kahapon ng Citizens Congress for Truth and Accountability (CCTA) ang peoples court at umaktong chairman ng sesyon si dating VP Teofisto Guingona at si Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ang majority leader.
Ipinaliwanag ni Guingona na itinatag ang public session dahil wala man lamang ginagawang aksiyon ang Kongreso upang masentensiyahan ang Pangulo at maging ang mga taga-oposisyon ay hindi man lamang binibigyan ng pagkakataon na makapagharap ng mga ebidensiya laban sa umanoy dayaan sa nagdaang halalan. Hindi rin anya binigyan ng tsansa ang Pangulo na makapagpaliwanag sa mga alegasyon dito matapos ibasura ng Mababang Kapulungan ang impeachment proceedings laban sa Pangulo.
Samantala, hinamon nina opposition Reps. Francis Escudero at Allan Peter Cayetano si Arroyo na magsumite ng anumang ebidensiya na maglilinis sa kanyang pangalan kaugnay ng mga akusasyon ng electoral fraud, graft at human rights violation. Kung hindi anya nito kayang dumalo sa public session ay magpadala na lamang ang Pangulo ng representative.
Sinabi ni Escudero na magsusumite ang kanyang grupo ng mga ebidensiya na magdidiin sa Pangulo. Sa Nob. 15 at 16 ang susunod na sesyon kung saan ipiprisinta ng Citizens Congress ang lima nitong witnesses.
Sisiyasatin naman ng Department of Justice (DOJ) ang mga kasong posibleng isampa sa mga nagtatag ng Peoples Court.
Sinabi ni Justice Sec. Raul Gonzalez na kailangang alamin ng DOJ kung ano ang mga naganap, naging pahayag at sino ang mga nagsalita sa pagsisimula ng proceedings.
Ipinaliwanag ni Gonzalez na walang matibay na batayan ang mga nagtatag ng peoples court at maituturing itong illegal. (Angie dela Cruz/Grace dela Cruz)