Kinilala ni PCG Commandant Rear Admiral Arthur Gosingan ang dalawang suspek na sina Daniel Roxas Bobila ng St. Mary Village Camarin, Caloocan City at kapatid na si Edito Bobila ng Anonas Ext., Sikatuna Village, Quezon City na kapwa tubong Kabancalan, Zamboanga del Sur.
Nakuha sa bagahe ng magkapatid ang ibat ibang sangkap sa pampasabog tulad ng ammnonium nitrate, apat na lata ng detia gas, apat na lata ng Phospine gas na sinasabing mataas na uri ng flammable poisonous gas na kayang magpasabog ng isang barko at isang can ng lighter.
Ayon sa report, habang nagsasagawa ng roving patrol sa loob ng barko ang mga tauhan ng Task Force Sea Marshal sa level 2 at passenger accomodation ng barko ay napansin nila ang kahina-hinalang kilos ng dalawa kaya sila sinita at siniyasat ang kanilang kagamitan at doon nakita ang mga pampasabog.
Nang tanungin ng mga awtoridad ay hindi naman maipaliwanag ng dalawa kung papaano nila naisakay ng barko ang nasabing pampasabog.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng iwan sa loob ng barko ang nabanggit na pampasabog at habang naglalayag ito sa karagatan ay doon ito pasasabugin.
Pansamantalang pinigil ng Coast Guard Dumaguete station ang naturang barko at nag-request na ng K-9 unit ang pamunuan ng WG&A upang suyurin at magkaroon ng general checkup sa kabuuan ng barko para matiyak ang kaligtasan ng libong pasahero.
Kasong illegal possession of explosive devices ang isasampa laban sa dalawa.