GMA sinubpoena; notice pinunit

Hindi na nakarating kay Pangulong Arroyo ang "notice of proceeding" ng grupong Citizen’s Congress for Truth and Accountability (CCTA) matapos na agad na punitin ng isang opisyal ng Malacañang na siyang tumanggap nito sa may Mendiola, Maynila kahapon.

Nabatid na iniabot ni Atty. Romeo Capulong ang naturang subpoena para sa unang pagdinig ng kanilang "people’s court" para sa Pangulo kay Assistant Secretary Emmy Magdangal ng Office of the Press Secretary. Nilagyan pa nito ng official seal at bar code R-021718 ang notice bilang katunayan na natanggap ito ng Palasyo. Ang notice ang uusig sa umano’y mga kasalanan sa bayan ni Arroyo. Isa anyang imbitasyon ito sa Pangulo na personal na humarap o magpadala ng abogado para sa kanyang depensa.

Subalit, walang kagatol-gatol na pinunit ni Magdangal ang notice kasabay ng pagsasabing "kalokohan, walang katotohanan." Ani Magdangal, ang notice ay walang legal na basehan at pampasikip lang sa kanilang file at dahil walang kuwenta ay dapat ibasura. Agad na sumakay si Magdangal sa isang van at muling pumasok sa gate 7 ng Palasyo habang mabilis na winalis ng kanilang mga tagalinis ang punit na mga papel.

Ang pagpunit sa naturang subpoena ay simbolikong pagpapahayag umano ng Malacañang na ibinabasura nila ang naturang pagdinig ng CCTA na pinapangunahan ni ex-VP. Teofisto Guingona.

Dakong 1:30 ng tanghali nang dumating ang mga miyembro ng CCTA sa pangunguna ni Capulong at mga militanteng grupo sa Mendiola. Hindi naman pinapasok ng mga miyembro ng Manila Police District-Civil Disturbance Management Unit ang grupo sa Mendiola kung saan nagkaroon ng negosasyon.

Napakiusapan naman na makapasok si Capulong sa tapat lamang ng gate 7 ng Malacañang kung saan lumabas si Magdangal sakay ng isang van at tinanggap ang naturang subpoena.

Sinabi naman ni Capulong na arogante at tahasang pambabastos ng ginawang aksiyon ni Magdangal. Simbolo umano ito na lumalabas na kapag may reklamo ang isang Pilipino sa isang opisyal ng pamahalaan o maging sa Presidente ay ibabasura na lamang agad kapag hindi nagustuhan.

Hindi naman umano nawalan ng katuturan ang paghahain ng naturang subpoena at tuluy-tuloy pa rin ang isasagawang opening proceeding sa UP Theatre sa Nobyembre 8. (Lilia Tolentino at Danilo Garcia)

Show comments