Sa ginawang Senate inquiry kahapon ng blue ribbon committee na pinamumunuan ni Sen. Joker Arroyo ay inamin ni Sec. Gonzales na ipinalagay niyang mayroon siyang verbal authority mula kay Pangulong Arroyo kaya lumagda siya sa kontrata matapos niyang ipaliwanag sa Pangulo ang pangangailangan ng lobby firm para makakuha ng pondo sa US para isulong ang amyenda sa Konstitusyon ng Pilipinas.
Nilinaw pa nito na hindi nagmula sa mga gambling lords o druglords ang perang pinambayad pero nangako naman siyang maisusumite niya ang listahan nito sa susunod na mga araw.
Pero nang sunud-sunod ng tanungin kung sino ang nagrekomenda na pasukin ang kontrata, sino ang nagbigay ng paunang bayad at saan nanggaling ang pera ay tila nahilo ang kalihim at tumanggi na itong sumagot pa na ikinairita ng mga senador.
Sa halip na sagutin ay muling ipinagpilitan ni Gonzales na hindi niya alam kung sinu-sino ang mga nagdonasyon pero siniguro nitong walang nagmula sa pondo ng gobyerno.
Dahil dito ay agad naghain ng mosyon sina Minority Leader Aquilino Pimentel, Jr. at Sen. Panfilo Lacson na i-contempt si Gonzales. Wala namang tumutol na miyembro ng komite.
Sinabi ni Sen. Arroyo na mananatili sa custody ng Senado si Gonzales hanggat hindi nito sinasabi kung saan manggagaling at kung sinu-sino ang donors para mabayaran ang nasabing kontrata sa Venable.
Sa halip na idetine sa Office of the Sgt.-at-Arms ay idiniretso ito sa Senate clinic dahil tumaas ang blood pressure nito at bumagsak ang blood sugar. Sa payo na rin ni Dr. Mariano Blancia ay inilipat sa Phil. Heart Center ang kalihim at kasalukuyang inoobserbahan.
Iginiit ni Senate President Franklin Drilon na dapat lamang na alam ni Gonzales kung saan nanggaling ang pambayad sa $75,000 service fee kada buwan sa Venable.
Nilinaw naman nina Sens. Arroyo at Richard Gordon na walang masama sa pagkuha ng lobby firm dahil legal naman ito subalit dapat ay ipabatid sa gobyerno ang nilalaman ng kontrata, ang kagalingang magagawa nito sa bayan at kung saan manggagaling ang pambayad dito.
Si Gonzales ang kauna-unahang miyembro ng Gabinete na ikinulong sa Senado. (Rudy Andal)