Golf courses, beach, hotels ng Pinas ibebenta sa Japan

Nakatakdang ibenta ng Department of Tourism (DOT) ang ilang mga pag-aari nitong tourist destination sa mga negosyanteng Hapones sa nakatakdang pagtulak nina Secretary Ace Durano at Philippine Tourism Authority General Manager Robert Dean Barbers sa bansang Japan ngayong Martes.

Sinabi ni Barbers na dadalo sila ni Durano sa World Tourism Congress at World Travel Fair sa Japan upang i-promote ang turismo sa Pilipinas at manghikayat pa ng mga mamumuhunan para maglagak ng investment sa ilang mga pag-aaring tourism destination ng PTA sa bansa.

Kabilang sa mga iniaalok ng PTA sa mga Hapones ay ang Argao Beach Club at Kang-Irag Golf and Country Club sa Cebu, Banaue Hotel sa Ifugao, McArthur Park Hotel sa Leyte, isang beach sa Matabungkay, Batangas; Zamboanga Golf Courses at higit pa sa 15 tourist destinations.

Ang naturang pagbebenta ay upang lalong mapaunlad ang turismo sa Pilipinas at pagbuo ng trabaho para sa mga Pilipino dulot ng investment na ilalagak ng mga negosyanteng Hapones.

Kaugnay nito, sa kabila ng nararanasang krisis pinansiyal ng Pilipinas, pumalo naman sa pinakamataas na rekord na US$495 milyon o P27.2 bilyon na investment ang pumasok sa bansa na industriya ng turismo sa unang anim na buwan ngayong taon.

Ito’y kumpara sa $170 milyon o P9.6 bilyon na nakuhang investment ng bansa noong 2004.

Sa kabila nito, sinabi ni Barbers na napakaliit pa lamang ng naturang halaga sa pumapasok na investment sa ibang bansa sa Asya ngunit malaking tulong na dahil sa krisis na nararanasan ngayon sa pananalapi.

Base pa sa ulat ng PTA, umaabot sa 17 milyon mga turista at negosyanteng Hapones ang bumibisita sa Pilipinas kada taon. Tinatayang tataas umano ito ng 30 porsiyento sa pagsapit ng taong 2010 dahil sa agresibong promosyon ng turismo sa Japan ng DOT. (Danilo Garcia)

Show comments