Sonic Steel kinasuhan sa pamemeke

Sinampahan ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ang mga may-ari at executives ng Sonic Steel Corp. dahil sa umano’y paglabag sa Intellectual Property Code.

Ang pagsasampa ng kaso ay kasunod ng mga raid na isinagawa noong nakaraang Martes ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) sa Sonic factory sa Trece Martires City, Cavite at isang warehouse ng Taisan Commercial sa Bgy. Palasan, Valenzuela City kung saan nakakumpiska ng may 10,000 piraso ng hinihinalang pekeng Galvalume G.I. sheets.

Sa nasabing raid ay nakarekober din ng mga blueprints na pinaniniwalaang ninakaw mula sa Steel Corp. of the Philippines (Steelcorp) dahil nagtataglay ito ng Steelcorp logo.

Ang blueprints ay ginagamit para sa paggawa ng aluminum zinc-galvanized iron (G.I.) products at hinihinalang ginamit ng Sonic para makapag-produce ng aluminum-zinc alloy coated metal sheets na tinatawag na Superlume. Subalit madaling makikilala na ito’y peke dahil walang GI trademark na Galvalume.

Kinasuhan ng counterfeiting at unfair competition sina Sonic president William Ong, vice pres. Anthony Ong, Taisan owner Doris Ong at iba pa.

Ang raid sa Sonic plant at Taisan ay sa bisa ng search warrants.

Show comments