Sinabi ni Cagayan de Oro Archdiocese Monsignor Rey Monsanto at Bishop Felixberto Calang ng Iglesia Filipina Independiente, nararapat lang na tumulong ang simbahan sa paghahanap ng katotohanan ngayong nasa krisis ang pulitika ng bansa.
Ayon kay Monsanto, nakakonekta ang katotohanan sa moralidad ng isang tao kaya hindi masasabing nakikialam ang Simbahan sa gawain ng pamahalaan.
Pinagsabihan ni Santiago ang mga opisyales ng Simbahan na lumayo na sa pakikisali sa isyu ng bigong impeachment at panawagan sa pagbibitiw ng Pangulo. Nag-aalala umano siya sa impluwensiya ng mga obispo sa mga Katoliko na maaaring mag-ugat sa civil disobedience sa pamahalaan.
Nguit sinabi ni Monsanto na ang moralidad lamang ng Pangulo ang kanilang tinututukan. Kahit iginagalang nila ang desisyon ng Kongreso, hindi naman umano sila mapipigilan na isagawa ang tungkulin para manawagan sa mga tao na ipetisyon ang pamahalaan dahil sa moralidad.
"She robbed them of their sovereign will to elect the president that they truly want. The open admission of GMA that she talked with a Comelec official is unethical and immoral," ayon naman kay Calang.
Nakatakdang magsagawa ng isang espesyal na pulong ang may 30 obispo sa Bacolod City upang suriin ang kanilang paninindigan sa patuloy na pamumuno ni Pangulong Arroyo.
Susuriin umano dito ang kasalukuyang katayuan ng bansa at magpapalabas ng mga rekomendasyon. Ipinatawag ang pulong dahil sa umanoy pagkadismaya ng maraming mga obispo sa naganap na pagbasura sa impeachment kontra Arroyo. (Danilo Garcia)