10 CIDG officers tutuluyan sa carnapping

Ipinababasura ng isang Chinese national sa Department of Justice (DOJ) ang inihaing petition for review ng 10 opisyal ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at sa halip ay hiniling na isulong ang paglilitis sa mga ito kaugnay sa kinakaharap na kasong carnapping sa Malabon Regional Trial Court (RTC).

Sa pamamagitan ng abugadong si Atty. Gilbert Alfafara, hiniling ni Shi Zheng Pang kay Justice Sec. Raul Gonzales na isulong ang kaso sa korte, kasabay ng pagbubunyag na may isang mataas na opisyal ng DILG ang nagla-lobby umano para mapawang-sala ang mga pulis na kinasuhan niya ng carnapping.

Iginiit ni Shi na hindi man lamang sila nabigyan ng kopya ng petisyong inihain ng 10 PNP-CIDG officers kaya hindi sila nabigyan ng pagkakataong kontrahin ito.

Binigyang-diin ni Shi na siya ang biktima ng frame-up operations at nakulong ng walong buwan sa akusasyong may iniingatan siyang iligal na droga na nauwi sa pagtangay ng kanyang sasakyan nang isagawa ang pagdakip sa kanya.

Una nang naabsuwelto si Shi sa kasong may kaugnayan sa droga noong Marso 14, 2004 subalit isinoli lamang ang sasakyan niya noong Nob. 17, 2004.

Kabilang sa umano'y sangkot sa kasong carnapping sina Sr. Insp. Pepito Garcia, Insp. Joven Trinidad, Insp. Angelo Nicolas, SPO2 Severino Busa, SPO2 Adolfo de Ramos, PO3 Josefina Callora, PO3 Renato Gregorio, PO2 Rogie Pinili, PO2 Rogelio Rodriguez at PO1 Richel Creer.

Pansamantalang nakalalaya ang nasabing mga pulis matapos magpiyansa. (Grace dela Cruz)

Show comments