Sinabi ni Agusan del Sur Rep. Rodolfo Plaza na siguradong sasamantalahin ng mga oil smugglers ang kasalukuyang sitwasyon kung saan pagkakakitaan pa ng mga ito ang problema sa krisis sa langis kaya ngayon pa lamang ay dapat bumuo na ng plano ang gobyerno upang masawata ang oil smuggling.
Sa gitna pa rin ng nararanasang krisis, hinikayat kahapon ni Cebu Rep. Eduardo Gullas ang Malacañang na buhayin ang Daylight Saving Time (DST) scheme upang makatipid sa enerhiya ang bansa.
Sa nasabing sistema, ina-advance ng isang oras ang official standard time upang makapasok ng mas maaga ang mga nag-oopisina at pumapasok sa mga eskuwelahan.
Makatitipid ang bansa ng nasa 3,450 bariles ng langis kada araw base sa daily consumption na 345,000 bariles. Kung maipapatupad ang DST sa loob ng pitong buwan o 210 araw, 424,500 bariles ang matitipid ng gobyerno.
Samantala, hiniling naman ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na ipatupad na ang direktiba ni Pangulong Arroyo na ibenta ang mga mamahalin at maluluhong sasakyang pag-aari ng gobyerno na may malalaking makina tulad ng SUVs sa halip na isulong ang planong pagrarasyon ng gasolina. (Ulat ni Malou Rongalerios)