Ayon kay Sen. Villar, chairman ng public order and illegal drugs, nagkasundo sila ni Sen. Lito Lapid, chairman ng games, amusements and sports, na magsagawa pa ng isang hearing ang kanilang komite ukol sa juetenggate scandal.
Wika ni Villar, hindi na nila ipapatawag pa ang mga naunang testigo ni Bishop Cruz na sina Sandra Cam, Wilfredo Mayor at Richard Garcia kundi ang bago na lamang testigo ng obispo na magmumula pa sa Amerika.
Aniya, sa sandaling makumpirma ng joint committee na handa na ang testigo ni Cruz na humarap ay agad silang magpapatawag ng hearing para pakinggan ang testimonya nito.
Magugunita na nagkasundo ang mga miyembro ng 2 komite na tuluyang tapusin na ang imbestigasyon sa jueteng kung walang bagong testigong maihaharap si Cruz o bagong impormasyon hinggil dito. (Ulat ni Rudy Andal)