Ayon kay Quezon Rep. Rafael Nantes, panahon na para magkaroon ng batas na magpaparusa sa mga may-ari ng asong hindi magpapaturok ng anti-rabies sa kanilang mga alaga.
Halos araw-araw ay may pasyenteng ipinapasok sa San Lazaro Hospital sa Sta. Cruz, Manila sanhi ng kagat ng aso at karamihan sa mga ito ay namamatay.
Napaulat din na umabot na sa 24 ang namatay sa Central Luzon dahil sa rabies na nagmula sa aso simula lamang noong Enero.
Sampung bata ang namatay sa Bulacan nito lamang nakaraang Hunyo, samantalang 14 sa ibang lugar sa Central Luzon base na rin sa ulat ng Department of Agriculture (DA).
Nanawagan ang mga beterinaryo sa mga mambabatas na magpasa ng isang batas na magre-regulate sa pag-aalaga ng aso dahil halos lahat ng lansangan sa bansa ay kakikitaan ng mga asong gala o mas kilala sa tawag na "askal".
Marami aniyang pet owners ang hindi responsable sa pag-aalaga ng aso at pinapabayaan lamang gumala sa kalsada kahit na walang anti-rabies. (Ulat ni Malou Rongalerios)