Snap election giit ni Pimentel

Muling iginiit kahapon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. ang pagdaraos ng snap elections bilang alternatibo sa sandaling magbitiw o mapatalsik si Pangulong Arroyo sa Palasyo dahil sa Gloria-Garci tape at jueteng scandal.

Sinabi ni Sen. Pimentel, dapat ding magbitiw sa puwesto si Vice Pres. Noli de Castro dahil sa ebidensiya sa nasabing taped conversation na nagkaroon ng dayaan sa nakaraang May 2004 elections.

"As I said before, it’s better that we follow the Constitution. Resignation is an option and when the President resigns, together with VP de Castro, we will have new elections," wika pa ni Pimentel.

Sa panukalang ito ng mambabatas, si Senate President Franklin Drilon ang pansamantalang uupong acting president at sa loob ng 45 araw ay dapat magpatawag siya ng snap elections para sa nabakanteng posisyon ng presidente at bise-presidente.

Naniniwala naman si Pimentel na hindi naging bahagi ng pandaraya si VP de Castro subalit dahil kuwestiyonable ang naging resulta ng halalan ay kinakailangang magbitiw din siya. Aniya, puwede namang tumakbo bilang presidente si de Castro at nakahanda siyang suportahan ang kandidatura nito. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments