Pinagbatayan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa 6-pahina nilang reklamo ang naganap noong gabi ng Hunyo 10, 2005 nang magpa-press conference si Ong sa Makati City para ilantad ang mother of all tapes na naglalaman ng sinasabing planong pandaraya sa halalan ng Pangulo habang kausap si Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.
Iginiit ng NBI na ang ginawa ni Ong ay kawalan ng paggalang sa Chief Executive ng bansa lalo na ng manawagan ito na magbitiw sa tungkulin ang Pangulo dahil sa umanoy panloloko nito sa bayan.
Naniniwala ang NBI na ang pahayag ni Ong ay pang-uudyok sa publiko upang mag-alsa laban sa liderato ni Arroyo para tuluyan itong mapatalsik sa Malacañang.
Bilang ebidensiya, ginamit ng NBI ang ibat ibang artikulo na nailathala sa mga pahayagan, VHS tapes at footages ng presscon ni Ong.
Nilinaw naman ng DOJ na hindi agad maaaring arestuhin si Ong dahil kinakailangang sumailalim muna ito sa imbestigasyon bago isulong sa hukuman at magpalabas ng warrant of arrest laban dito.
Ipinadala ang subpoena ni Ong sa address na 4016 Diamond Ave., Greenheights subd., Novaliches, Quezon City habang binigyan pa ito ng DOJ ng 10-araw para sagutin ang kasong kinakaharap nito.
Iginiit din ng kalihim na hindi pa rin lusot sa kasong wiretapping si Ong dahil sa puwede nilang isulong ang naturang kaso kahit na hindi pa tiyak kung si PGMA at Garcillano nga ang nag-uusap dito.
Samantala, sinabi ng NBI na may koneksyon ang paglabas sa publiko nina Ong at jueteng baglady Sandra Cam na sinasabing nagkaroon ng relasyon noong 2000.
Sinabi ni NBI Spokesman Atty. Ric Diaz, noong Hunyo 2000, nagsagawa ng isang raid ang NBI-Special Task Force sa Unit 706 ng Sommerset Condominium sa Pasay City at mahigit 250 kilo ng shabu ang nakumpiska. Nakapangalan ang nasabing unit sa isang Sandra Lim na gumagamit ng mga alyas na Sandra de Villa at Sandra Cam.
Dahil nadawit ang kanyang pangalan, kusang-loob na sumuko si Cam kay Ong na noon ay hepe ng NBI-NCR at tinulungan ito na linawin ang kanyang pangalan. Nadakip naman ang tunay na Sandra Lim at napawang-sala si Cam.
May bali-balita na nagkaroon ng relasyon noon si Ong at Cam kaya may posibilidad na may kaugnayan ngayon ang magkasunod nilang paglitaw laban sa Pangulo. (Ulat nina Gemma Amargo-Garcia/Danilo Garcia)