Ipinahayag nina Engr. Nelson Ramirez, pangulo ng United Filipino Seafarers (UFS), Noel Josue ng Kaibigan OFW, Bong Guro ng Akbay Pinoy at Danilo Cagas, national chairman ng National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Asso. of the Philippines (NACTODAP) ang patuloy na pagkilala sa pagka-pangulo ni GMA.
Ang UFS ay may 35,000 miyembro ng mga marino, ang Kaibigan OFW ay may 30,000 miyembro, ang Akbay Pinoy 70,000 habang ang NACTODAP ay may 2.8 milyong kasapi.
Sinabi ng apat na dapat umanong tumigil ang mga miyembro ng oposisyon sa ginagawa nilang planong destabilisasyon sa gobyerno upang hindi matakot ang mga negosyante at turista sa bansa. Ang mga OFW ang siya ngayong bumubuhay sa ating ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang remittance na tinatayang umaabot sa $8-bilyon kada taon kaya sila tinaguriang mga bagong bayani at marapat umanong hindi sila bigyan ng pag-aalinlangan tulad ng nangyayari sa kasalukuyan. (Mer Layson)