Ayon kay House Majority Leader Prospero Nograles, dapat ibaling ang pagsisikap sa mga kinakailangang economic legislations ng bansa lalo na at lumulubha ang kalagayan ng ekonomiya na pinatitindi pa ng pagtaas ng presyo ng krudo sa world market.
"Hindi makatarungan na sa gitna ng dinadanas na kahirapan ng mamamayang Pilipino ay pinagpipiyestahan ng mga pulitiko ang isyu ng jueteng upang gibain ang pamahalaan, samantalang maraming economic bills ang nangangailangan ng pansin para sa kapakinabangan ng buong bayan," ani Nograles.
Nanawagan din ang solon sa simbahan patikular na kay Archbishop Oscar Cruz na dahil na-achieve na naman niya ang kanyang objective na mapatigil ang jueteng sa bansa ay tantanan na ang pagpapagamit sa mga taong may ibat ibang political agenda.
"Nagagamit ang Senado sa pagwasak sa pangalan at pagsira sa buhay ng mga taong wala namang kinalaman sa jueteng at nagiging venue ang committee hearing para sa political vendetta," ani Nograles.
Iminungkahi ni Nograles na magkaroon ng independent probe body para sa jueteng at maaari itong pamunuan ni Bishop Cruz upang matutukan na ng Kongreso ang mga nakabinbing bills. (Ulat ni Malou Rongalerios)