Ping idiniin pa kay Mayor!

Isang masugid na supporter at campaigner ni Sen. Panfilo Lacson ang self-confessed jueteng operator na si Wilfredo ‘Boy’ Mayor noong nakaraang presidential elections.

Sinabi ito ni Ito Los Baños upang pabulaanan ang pahayag ni Mayor na tinulungan nito ang kandidatura ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa nakalipas na halalan.

Ayon sa natalong kandidato sa pagka-kongresista ng ikalawang distrito ng Albay, hindi tumulong sa kandidatura ni Pangulong Arroyo si Mayor. Aniya, masugid na tagasuporta ni Sen. Panfilo Lacson at ni Albay Rep. Carlos Imperial si Mayor.

Tinulungan ni Mayor ang kandidatura ni Lacson sa kanilang lalawigan sa pamamagitan ni Ben Barra, ang tumatayong ‘campaign manager’ ng senador sa lalawigan, aniya.

"For my personal experience with Mr. Mayor, I can only conclude that he has zero credibility, is a man without any integrity, and is a political extortionist and a liar," sabi pa ni Los Baños tungkol kay Mayor.

Nauna rito, inilabas ng kampo ng oposisyon na naging ‘coordinator’ umano ng Bigkis Pinoy Movement o President Gloria Macapagal-Arroyo for President Movement si Mayor at nagpakita pa ng isang dokumento ng pagkakakilanlan upang patunayan ito.

Gayunpaman, sinabi ni Los Baños na posibleng nakakuha ng nasabing ID mula sa kanilang organisasyon at nilagyan ng kanyang litrato upang magmukhang lehitimong kasapi ito ng samahan.

"I can only surmise that he was able to obtain these membership cards under the pretext that he would support the President’s campaign, or that he was able to get blank cards which proliferated at that time, and affixed his name himself," pahayag pa ni Los Baños sa wikang Ingles.

Sinabi pa ni Los Baños na nakilala niya si Mayor noong 2003 habang inilalatag nito ang kanyang makinarya sa pagtakbo bilang kongresista.

Kinausap umano siya ni Mayor at nagpahiwatig na susuportahan niya ang una dahil nakatakda itong tumakbo bilang alkalde ng Daraga, isa sa mga lalawigang sakop ng ikalawang distrito ng lalawigan.

Muli umano siyang kinausap ni Mayor noong Disyembre 2003 upang manghingi ng P3 milyon bilang pondo sa pangangampanya sa kanilang kandidatura at kay Pangulong Arroyo.

"Sinabi ko sa kanya na wala akong ganoong kalaking halaga at nagtitiwala na susuportahan pa rin niya ang aking pagkandidato at ang Pangulo," pahayag pa ni Los Baños.

Makalipas ang ilang buwan, muli umanong nangulit si Mayor ng pondo kay Los Baños sa kabila ng katotohanan na kakaunti lamang ang pisi nito para umusad ang kanyang kandidatura.

"Dahil sa kanyang pangungulit, napilitan akong bigyan siya ng P50,000 upang makatulong sa kanyang gastusin sa pagsuporta sa aming kandidatura," dagdag pa ni Los Baños.

Gayunpaman, napag-alaman ni Los Baños na tumalon ng bakod si Mayor noong Abril at naging tauhan ito ni Barra.

"When I encountered Mayor in the field and he again asked me for funding, I confronted him on this in a very incensed manner. I told him that as a former employee of then Sen. Arroyo, it is very important for me that he would support the President’s bid," paglilinaw pa ni Los Baños.

Itinanggi umano ni Mayor ang paratang na talon-bakod subalit hindi na ito nangulit ng paghingi ng pondo mula kay Los Baños.

Show comments