Sa lingguhang media forum na Kapihan sa Sulo press forum sa Quezon City kamakailan, inihayag ni Dave Diwa, chairman ng Coordinating Alliance for Reform and Empowerment in the Pre-Need Industry (CARE-PRE-NEED), na naniniwala sila na ang "confrontational approach" o pamimilit sa PPI management na tupdin ang mga obligasyon nito ay hindi magbubunga ng mabuti sa mga ordinaryong plan holders sa kagyat na hinaharap at pangmatagalang panahon.
Ang CARE-PRE-NEED ay isang alyansang binubuo ng mga labor union, mga samahan ng magsasaka at negosyante, home owner associations, non-government organizations at mga peoples organizations na ang kasapian ay nakakuha ng mga educational plan, kabilang na ang mga nasa PPI.
Samantala, sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., sa parehong forum na ang mga problemang kinakaharap ng educational plan industry ay isa nang "pambansang suliranin" na dapat ay tugunan agad ng pamahalaan.
Sinang-ayunan ni Pimentel ang mungkahi ng naturang samahan na nararapat lamang magkaroon ng "constructive engagement" o konstruktibong paghaharap ng lahat ng partidong interesadong maresolba ang nasabing isyu kasabay ng pagdidiin na dapat maparusahan at managot sa batas ang mga responsable sa napipintong pagbagsak ng PPI at pre-need industry. (Doris Franche/Rudy Andal)