Ang biktima na sister-in-law ni North Cotabato Rep. Gregorio Ipong ay kinilalang si Angelina Bisuna De Ipong, 60-anyos at isang peace advocate sa katimugang bahagi ng bansa.
Sa iprinisintang detalye ng Gabriela sa CHR ay nabatid na ang biktima ay dinukot noong March 8, 2005 at sa loob ng 13-araw na hawak ito ng mga sundalo ay pinalasap dito ang sari-saring pahirap, ngunit ang pinakamatindi ay ang pangmomolestiya ng hindi pa tukoy na mga sundalo ng Southern Command ng AFP.
Tinapos ng mga sundalo ang makahayop na pahirap nila sa biktima noong Marso 21, 2005 kung saan ang biktima habang sakay ng wheelchair, may posas ang kamay at nakapiring ang mata ay iprinisinta sa media bilang mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines sa tanggapan ng Southern Command Headquarters sa Zamboanga City.
Matapos ang media presentation ay agad na sinampahan ng kasong rebelyon ang biktima at ngayon ay nakakulong sa Pagadian City Jail.
Sinabi ni Cristina Palabay, Sec. Gen. ng Gabriela na dapat na papanagutin ang AFP dahil sa karumal-dumal na krimen na ginawa ng mga ito sa isang walang kalaban-laban na matandang babae. (Ulat ni Malou Rongalerios)