"Humihingi po ako ng paumanhin sa inyo (media), wala akong personal na galit o anumang intensyong manakot o manggulo, gusto ko po lamang ang kaligtasan ng sinumang magtutungo sa aming barangay," ayon kay Chairwoman Bae Norhaina Macabato Lucman ng Bgy. 648 Zone 7 sa Islamic Center.
Upang ipakitang wala siyang sama ng loob sa mga kagawad ng media, mismong sa gusali ng National Press Club (NPC) na sentro ng mga mamamahayag sa bansa nagsagawa ng press conference si Chairwoman Lucman.
Dito ay inamin ni Lucman na ang Muslim Islamic Center ay isang kritikal na lugar o maituturing na crime prone dahil sa mga insidente ng krimen na kadalasang nangyayari sa loob ng Muslim area.
Ayon kay Lucman, kailangan na humingi muna ng abiso o permiso ang sinumang nais na pumasok sa Islamic center at makipag-transaksyon upang masiguro ang kanilang kaligtasan kabilang na dito ang mga miyembro ng media.
Si Lucman ay sinuspinde ni Manila Mayor Lito Atienza ng 60 araw habang dinidinig ang kasong grave scandal at administrative case na isinampa laban sa kanya ng mga television crew na nakaranas ng pananakot at pagpapaputok ng baril sa kanila noong Abril 12 sa ipinatawag na presscon ni Datu Amerol Gulam Ambiong. (Ulat ni Gemma Amargo-Garcia)