Publisher/editor tinodas

Papatindi na ng papatindi ang pamamaslang sa mediamen, makaraang isa na namang publisher at editor ng lokal na pahayagan ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng tatlong mga hired killers habang naghahapunan kasama ang isang anak sa bahay nito sa Barangay Poblacion, Dingalan lalawigan ng Aurora.

Napuruhan sa ulo ng mga tama ng bala ng kalibre .45 ang biktimang si Philip Agustin, 53 anyos, publisher-editor ng Starline Times Recorder na nakabase sa Nueva Ecija at Aurora.

Bago ang pagpatay ay nagkausap pa umano ang biktima at isang Councilor Valentin Lapuz kung saan sinabi ng una na pinakumpiska umano ni Dingalan Mayor Jaime Ylarde ang mga kopya ng dyaryong Starline.

Nakalagay umano sa daan-daang kopya ng dyaryo ang ilang expose ni Agustin sa umano’y katiwaliang kinasasangkutan ng mayor sa pagkawala ng malaking pondo ng munisipyo matapos itong makakuha ng ilang voucher bilang ebidensya upang masampahan ng kasong graft and corruption ang alkalde.

Si Agustin ang pang-limang mediamen na napatay sa taong ito at ika-68 simula noong 1986 nang manumbalik ang demokrasya sa bansa kabilang na ang 13 journalists na pinaslang noong 2004.

Noong nakalipas na Mayo 4 ay inambush at napaslang rin si DXAA brodkaster Klein Cantoneros sa Brgy. Sta. Filomena, Dipolog City. Kabilang pa sa mga napatay na journalist sa taong ito ay sina Edgar Amoro ng Pagadian City; Arnulfo Villanueva ng Cavite at Marlene Esperat ng Sultan Kudarat.

Samantala, sinabi ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) na isang sampal sa anti-criminality campaign ng pamahalaan ni Pangulong Arroyo ang sunod-sunod na pamamaslang sa mga mediamen sa bansa.

Matatandaan na binansagan ng New York Committee to Protect Journalist na nakabase sa Amerika na kabilang ang Pilipinas sa most murderous sa mga bansa sa mundo na nakapagtala ng mataas na bilang ng mga pinaslang na journalist kasunod ng Iraq, Cambodia at Russia.

Dahil dito, tinaasan na ni Pangulong Arroyo ang pabuya mula sa P2 milyon sa P5 milyon para sa makakapagturo o makakapagbigay ng impormasyon sa mga suspek sa pagpatay sa mga mediamen para sa agarang ikareresolba ng mga kaso.

Sinabi ng Pangulo na manggagaling ang P3-milyon sa Office of the President habang P2 milyon ay mula kay House Speaker Jose de Venecia. (Ulat nina Joy Cantos, Christian Ryan Sta. Ana, Resty Salvador at Ellen Fernando)

Show comments