Sa ilalim ng Senate Bill 769, mabibigyan ng maternity leave benefits ang mga buntis na kawani ng isang tanggapan kahit na hindi pa ito kasal.
Ang panukalang ito ay sususog sa Article 133 ng Labor Code kung saan nakasaad na ang mga kasal lang na babae ang may karapatang magkaroon ng maternity leave benefits.
"Hindi ko naman hinihikayat ang pagdami ng mga nabubuntis na walang sagradong matrimonya ng kasal. Ngunit kailangan din nating harapin na nagbabago na ang panahon. Ang ina ay ina pa rin maski na siya ay isang dalagang ina o may asawa. Kailangan nating bigyan ng suporta ang lumalaking bilang ng single mothers sa bansa," wika ni Villar.
Ipinaliwanag pa ng mambabatas na karamihan sa mga dalagang ina ay nagtatrabaho kayat marapat lamang na ipagkaloob sa kanila ang mga benepisyo gaya ng mga may asawang empleyada.
Sa kabilang dako, layunin naman ng Senate Bill 794 ni Villar na pagkalooban ng parehong personal exemption at dagdag na exemption para sa mga anak ng mga dalagang ina at may asawang empleyada.
Kung maisasabatas ito, ang bawat dalagang ina na may isa o 2 menor-de-edad na anak na sa kanya umaasa ay pagkakalooban ng exemption na P32,000 at dagdag na exemption na P8,000 sa bawat dependent. (Ulat ni Rudy Andal)