Goma sinubpoena na

Ipinatawag na ng Department of Justice (DOJ) ang aktor na si Richard Gomez upang pormal na nitong harapin at sagutin ang tax evasion case na isinampa laban sa kanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ayon kay DOJ State Prosecutor Perfecto Lawrence Chua-Cheng, ang piskal na may hawak ng kaso, sa May 5, 2005 ang kauna-unahang pagdinig sa tax evasion laban kay Goma.

Binigyang-diin naman ng piskal na hindi pa kailangang agad na maghain ng kanyang counter-affidavit ang aktor sa unang araw ng preliminary investigation (PI) dahil bibigyan muna ito ng kopya ng inihaing complaint ng BIR upang mapag-aralan ng kanyang abogado.

Una nang nagsampa ang BIR ng kasong tax evasion dahil sa kabiguan umano nitong maghain ng kanyang Income Tax Returns (ITR) mula taong 2000-2003.

Hindi pinaniwalaan ng BIR ang depensa ng aktor na wala siyang kinita para sa nabanggit na mga taon, dahil nabatid na patuloy ang mga proyekto sa showbiz ni Gomez, kabilang na ang paggawa ng pelikula, TV hosting at guesting sa TV commercials.

Samantala, ipatatawag na rin ng DOJ ang Asia’s songbird na si Regine Velasquez para sa preliminary investigation sa kaparehong kaso.

Ayon kay State Prosecutor Rose Ane Balauag, posibleng sa ikatlong linggo ng Mayo ay itakda ang PI para sa kasong tax evasion ni Regine dahil naman sa maling deklarasyon nito ng kanyang kinita para sa taong 2003. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments