Atienza, sumuporta sa tipid-gas gadget

Kasabay ng ipinakitang magandang tugon ni Senate Pres. Franklin Drilon kaugnay ng ipinagmamalaking Pinoy gas saving device ng Filipino inventor na si Pablo "Mr. Khaos" Planas, nanguna na si Manila Mayor Lito Atienza sa mga local government units na sumusuporta sa naturang tipid-gas gadget.

Ayon kay Atienza, panahon na para suportahan ang anumang imbensiyon ng mga kababayang Pilipino. Higit lalo aniya ang Khaos Super Turbo Charger (KSTC) ni Mr. Planas dahil bukod sa malaking karangalan ito sa bansa, malaking tulong pa para maibsan ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Base sa pag-aaral ng Department of Energy (DOE), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Land Transporation Office (LTO) at mga international experts, ang KSTC ni Planas ay nagbibigay ng 15-50% na katipiran sa konsumo ng gasoline, bukod pa sa garantisadong zero pollution na ibinibuga ng tambutso ng sasakyan ay nagpapalakas pa ng makina ng behikulo.

Sinabi ni Atienza, mauulit muli na kilalanin ang Pinoy dahil sa natatanging imbensyon. Inihalimbawa niya ang naimbentong yoyo at fluorescent lamp na aniya’y parehong Pinoy ang nakatuklas nito. Ang masakit nga lang, ang yoyo at fluorescent lamp ay napakinabangan ng mga banyaga bago ang Pilipinas.

Si Mr. Planas na inalok ng multi-milyong piso sa Amerika ay hindi pumayag na ibenta ang kanyang KSTC dahil para sa kanya, Pinoy muna ang dapat na unang makinabang dito bago ang iba.

"Madami at makulay ang naiisip ng mga Filipino. Ang kailangan lang natin ay suporta at bigyan natin sila ng pagkakataon. Tiwala sa ating kakayahan at tiwala sa ating pamahalaan," ani Atienza.

Lalo pang natuwa si Atienza nang malamang maglalabas na rin ang Inventionhaus International Corporation (IIC), manufacturer ng KSTC (www.khaos.ph), ng tipid-gas gadget para naman sa mga motorsiklo.

Aniya, hihikayatin niya ang mga tricycle operators-drivers association (TODA) para tangkilikin ang naturang gadget. (Danilo Garcia)

Show comments