Ayon kay VFP party-list Rep. Ernesto Gidaya, pagsapit ng taong 2020 ay tiyak na patay na ang lahat ng beterano na nakipaglaban sa mga Hapon noong World War II.
Sa ngayon aniya, ang pangangailangan ng mga beterano ay may kaugnayan sa basic need at tulong pinansiyal.
Karamihan sa mga beterano na nabubuhay pa sa kasalukuyan ay nasa late 70s o mid-80s na ang edad at hindi na kayang magtrabaho.
Kalimitan din na sa pensiyong tinatanggap ng mga beterano umaasa ang kanilang pamilya kabilang na ang mga apo.
Pero may mga pensiyon aniyang hindi natatanggap ng mga beterano dahil sa kawalan ng pondo ng gobyerno.
Inihalimbawa ni Gidaya ang R.A. 7696 na naaprubahan noong 11th Congress at naglalayong bigyan ng P1,700 karagdagang pensiyon ang mga beteranong umabot na sa 70 ang edad pero hindi naman naipatutupad.
Kahit isa aniya sa 80,000 kuwalipikadong beterano ay hindi nakikinabang sa nasabing batas dahil wala naman itong pondo.
Idinagdag ni Gidaya na maliwanag na hindi pinapahalagahan ng gobyerno ang mga beterano na nagtanggol sa bansa laban sa mga Hapon.
Binabalewala rin aniya ng bansang Amerika ang nagawang tulong ng Filipino veterans dahil hindi ibinibigay ang mga ipinangakong pinansiyal na tulong sa mga ito bagaman at ang giyera noong World War II ay sa pagitan ng Amerika at Japan.
"Sana naman kumilos na ang gobyerno at bigyang-pansin ang kalagayan ng mga beterano bago sila maubos," pagtatapos ni Gidaya. (Malou Rongalerios)