Ayon kay Cammayo, tagapagsalita ng grupong Lakas sa konseho ng Caloocan, hindi nila matatanggap at kikilalanin ang itinalaga ng Pangulo na kahalili ng yumaong konsehal na si Popoy Rosca dahil hindi ito ang nais at sentimyento ng Lakas sa Caloocan.
Sinabi rin ni Cammayo na nakatakda silang maghain ng isang resolusyon sa Lakas national upang balewalain ang ginawang pag-endorso sa kanyang anak na si Christopher dahil hindi ito ang kagustuhan ng Lakas-Caloocan City chapter.
Magugunitang gumawa ng resolusyon ang Sangguniang Panlungsod ng Caloocan na humihiling kay Pangulong Arroyo na italaga si Kristen Joy Rosca bilang kahalili ng kanyang yumaong ama.
Iginiit din ni Cammayo na hindi na bagay kay Malonzo ang ginagawa nitong paggigiit sa kanyang anak dahil tapos na ang panahon ng mga Malonzo sa pulitika ng Caloocan.
Magugunitang sina Rey, tumakbong kongresista, ang pangalawang asawa nitong si Gigi, tumakbong alkalde at anak na si Ronald, tumakbong konsehal ay ibinasurang lahat ng mga taga-Caloocan.
Nabatid na kamamatay pa lamang ni Konsehal Popoy ay nagpunta na umano kaagad si Malonzo sa tanggapan ni Speaker Jose de Venecia upang ipa-endorso ang kanyang anak. (Ulat ni Rose Tamayo)