Pinoy gumastos ng P1-M sa panonood kay Pacquiao

Isang Pilipino ang gumastos umano ng $20,000 o P1 milyon noong gabing pinanood nito ang boksing ni Manny Pacquiao sa Las Vegas, Nevada.

Ayon kay House Minority Leader Francis Escudero, kailangang malinawan kung ang naturang Pinoy ay isang opisyal ng gobyerno o asawa ng government official.

Nilinaw nito na sa panahong krisis ang Pilipinas ay walang karapatan ang isang opisyal ng pamahalaan na magpakita ng karangyaan kahit ito pa ay sarili niyang salapi.

Sa ulat na nakarating aniya sa tanggapan ng minorya, umupa ng isang mamahaling suite sa hotel ang naturang Pinoy kasama ang maraming negosyanteng Intsik.

Inihayag ni Escudero na hindi makatwiran na ang nasabing government official o asawa nito ay magpapakita ng karangyaan habang naghihirap naman ang sambayanang Pilipino.

Matatandaang napabalitang may 30 kongresista at ‘di mabilang na opisyal ng pamahalaan ang nagtungo sa Las Vegas upang panoorin ang laban ni Pacquiao kay Erik Morales noong Marso 20, 2005. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments