'No inspection. no ride'

Lahat ng pasaherong tatangging magpa-inspeksyon ng kanilang dala-dalang bagahe ay hindi pasasakayin.

Ito ang naging direktiba kahapon ni Philippine National Police PNP Chief Director General Arturo Lomibao sa lahat ng pamunuan ng mga ship at bus companies sa buong bansa.

Ayon kay Lomibao, sakali mang tumanggi ang isang pasahero na magpa-inspeksyon ng kanyang mga dalang bagahe, mas makakabuti aniya na huwag na lamang itong pasakayin.

Kasabay nito, dinalaw din kahapon ni Lomibao ang pinakamalaking bus terminal sa Cubao, Quezon City at nasiyahan ito sa seguridad na ipinatutupad ng mga security personnel ng Araneta Coliseum compound.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin na ipinapatupad ng pambansang pulisya ang "triple red alert" upang matiyak ang seguridad ng mga mamamayan sa nalalapit na Semana Santa.

Nagpakalat na rin ng karagdagang PNP personnel ang pulisya sa mga matataong lugar na paboritong targetin ng mga terorista gaya ng mga malls, seaport at airport, government offices and installations at mga foreign embassies.

Matatandaang una nang natukoy ng PNP ang pitong miyembro ng Jemaah Islamiyah Group at Rajah Solaiman Revolutionary Movement na naatasan ng isang ASG leader na si Abu Solaiman na maglunsad ng mga pag-atake sa mga key cities sa buong bansa. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments