Sa isang press conference kahapon, binigyang-pugay ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Dep. Director General Avelino "Sonny" Razon Jr. ang mga janitor sa pagbibigay ng impormasyon sa pulisya hinggil sa mga kahina-hinalang kilos ng mga indibiduwal sa establisimiyentong kanilang pinapasukan bunsod na rin ng bantang paghahasik ng terorismo ng grupong Abu Sayyaf at iba pang grupo bilang paghihiganti sa pagkakapatay sa detinidong 22 miyembro ng ASG kabilang ang apat na matataas na lider nito sa naganap na PNP assault sa Bicutan jail kamakailan.
Bukod dito, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa mga simbahan maging sa Iglesia ni Cristo, Aglipayan at iba pang samahan ng simbahan upang makipagtulungan sa kanila para maprotektahan ang taumbayan.
Base sa intelligence report, ilan sa mga tinatarget na pasabugin ng bandidong grupo ay ang Redemptorist church sa Baclaran, Parañaque City; Quiapo church sa Maynila; gayundin ang mga malls, bus terminals, LRT, MRT, seaports, airports, electric at water facilities at vital installations ng gobyerno.
Sinabi ni Razon, maging ang entry points patungong Metro Manila ay babantayan tulad ng Bataan, Rizal, Laguna at Cavite.
Ang hakbang ng PNP ay ginawa matapos ang pagpapakalat ng litrato at artist sketches ng pitong miyembro ng ASG na sinasabing maghahasik ng kaguluhan sa ibat ibang lugar sa bansa partikular sa Metro Manila kasabay ng paggunita ng Semana Santa.
Sinabi naman ni PNP Spokesman Sr. Supt. Leopoldo Bataoil, malaki ang maitutulong ng publiko sa kampanya ng PNP laban sa terorismo sa pamamagitan ng kanilang pagmamatyag at agad na pagbibigay-alam sa pulisya hinggil sa mga kahina-hinalang tao.
Batay sa pinakahuling monitor ng NCRPO, wala pang ulat na nakapasok na sa Kalakhang Maynila ang alinmang grupo ng ASG at Jemaah Islamiyah na maaaring maghasik ng karahasan sa nabanggit na mga lugar. (Ulat ni Angie dela Cruz)