Sa sulat na may petsang Pebrero 22, 2005, hiniling ni Malonzo ang agarang pagtatalaga sa kanyang anak na si Christopher Malonzo upang mapunuan ang naiwang posisyon ni Rosca na namatay noong Pebrero 8.
Ang nasabing sulat ay pangatlo na sa mga ipinadala ni Malonzo sa Malacañang. Ang unang pagrerekomenda ay ipinadala noong Pebrero 8, mismong araw ng pagkamatay ni Rosca, at natanggap noong Pebrero 9, at ang pangalawang recommendation letter ay ipinadala at natanggap noong Pebrero 21.
Subalit sa pagrekomenda sa kanyang anak ay hindi kinonsulta ni Malonzo ang mga lokal na opisyal ng lungsod, partikular, ang siyam na konsehal, na miyembro ng partido, gayundin ang naiwang pamilya ni Rosca.
Patunay na hindi pagsang-ayon ng mga konsehal sa rekomendasyon ni Malonzo ang ipinasang ordinansa na nagsusulong sa pagpalit ng anak ni Rosca na si Kristen Joy Rosca. Binigyan na ng City Council ng kopya ng Resolution 1655 s. 2005 ang Office of the President sa pamamagitan ng Executive Secretary, Department of Interior and Local Government at iba pang ahensiya.
Nakasaad sa resolusyon na mula nang maitatag ang local legislative councils noong 1998, naging "unwritten rule" na ang papalit sa namatay na miyembro ng Sanggunian ay miyembro ng kanilang pamilya.
Samantala, iginiit ni Malonzo na bilang chairman ng LAKAS sa Caloocan ay may karapatan siyang mag-endorso ng magiging dapat ipalit sa puwesto ng yumaong konsehal.