Sinasabi ng mga nagpakilalang DepEds Silent Majority, ang mga taong nakaluklok ngayon sa procurement service unit ng DepEd ay pawang mga kababayan umano ng asawa ni Usec. Juan Miguel Luz.
Pinangalanan ng white paper si Aida Carpentero, bestfriend umano ng asawa ni Luz na katulad ni Mrs. Luz ay mula sa Bacolod din. Si Carpentero umano ang isa sa pinakamakapangyarihan ngayon sa DepEd.
Kinuwestiyon ng Silent Majority ang pagkakatalaga kay Carpentero bilang Director III dahil outsider aniya ito sa DepEd.
Napag-alaman na si Carpentero ay malakas sa Vibal Publishing, isa sa mga pinakamalaking kontratista ng textbook sa DepEd, samantalang ang asawa ni Luz naman ay isang writer ng libro.
Maaalalang nalagay sa kontrobersya ang Vibal Publishing matapos ang expose ng textbook quality crusader at Marian School supervisor na si Antonio Calipjo Go na ang 316-pages at 13 taon nang ginagamit sa mga paaralan na texbook na may pamagat na "Asya: Heograpiya, Kasaysayan at Kultura" ay punong-puno ng mga factual at grammatical errors.
Ayon kay Go, mahigit sa 400 pagkakamali ang napapaloob sa nasabing libro na nakaliligaw sa mga isipan ng milyun-milyong mag-aaral partikular na sa high school. Kinumpirma ng National Book Development Board (NBDB) at mga propesor mula sa UP, DLSU , PNU at maging National Historical Institute ang mga pagkakamali ng Vibal sa nasabing aklat. Ipinag-utos din ng NBDB ang immediate pull-out ng nasabing libro ng Vibal sa mga paaralan, subalit wala pa ring aksiyon.
Sinabi naman ni Eleazardo Kasilag, pangulo ng Federation of Association of Private Administrators (FAPSA) na hindi lamang public schools kundi maging ang mga private schools ay gumagamit din ng mga mali-maling libro ng Vibal na may tatlo ng edition noong taong 1991, 1997 at 2000 ngunit ang mahigit sa apat na daang factual errors ay hindi pa rin naitama.