Si Planas, pinarangalan ng Presidential Award of Excellence ng Pangulong Arroyo, ang kauna-unahang Filipino na nakaimbento ng tipid-gas gadget para sa mga de-gasolinang sasakyan.
Ang imbesyon na nagbigay ng karangalan sa Pilipinas na tinawag na Khaos Super Turbo Charger (KSTC) ay pinagkakaguluhan ngayon hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibat ibang bansa ng tulad ng Estados Unidos, Australia, Canada, Egypt, Hungary, India, Indonesia, Korea, Lebanon, Mariana Islands, Saudi Arabia, South Africa, Spain, Switzerland, United Arab Emirates.
Dahil sa matinding demand na natanggap ng Inventionhaus International Inc., pangunahing manufacturer ng KSTC, minarapat ni Planas na maglabas ng isa pang natatanging tipid-gas gadget na para naman sa mga motorsiklo na tiyak na papakinabangan ng milyong bilang ng mga tricycle drivers at operators sa buong bansa.
Saksi sina Senate President Franklin Drilon, Manila Mayor Lito Atienza at ang pilantropong si Mr. Gerry Acuzar, sa pormal na paglulunsad kahapon ng KHAOS-Motorcycle sa Manila Yacth Club sa Roxas Blvd, Manila.
Nataon ang paglulunsad sa ika-68 taong kaarawan ni Mr. Planas na makailang ulit hinangaan ng mga foreign investors dahil walang gatol na pagtanggi nito sa alok na $10 million ng bansang Amerika para lamang ibenta ang rights ng KSTC.
"Nasabi ko na, Pilipino muna ang makikinabang sa imbensiyon ko, bago ang dayuhan," sabi ni Planas.
Kasabay nito, nanawagan si Drilon na suportahan ang natatanging imbensiyong ito ni Planas. "This is an opportunity for us to look for a solution on how to save gas. Sabi ko nga kay Mr. Planas, iharap ito kay President Arroyo dahil ang kanyang imbensiyon ang solusyon sa pagtaas ng presyo ng gasoline," ani Drilon.
Base sa pag-aaral, ang KSTC-motorcycle na nagkakahalaga ng P1,690 ay nakapagbibigay ng 10 hanggang 30 porsiyentong katipiran sa gasoline ng bawat motorsiklo. Sigurado rin anilang zero pollution ang mga motorcycle na kakabitan nito, tulad ng matagumpay na imbensiyong isinagawa para naman sa mga pang-gasolinang sasakyan.
Sinabi naman ni Atienza na natutuwa sila sa lungsod ng Maynila at may ganitong uri ng imbensiyon na tiyak na pakikinabangan ng mga tricycle drivers at mga pasahero nito na karamihan ay mga estudyante, manggagawa at pati na mga ina ng tahanan na kalimitang nagpupunta sa palengke sakay ng tricycle. (Ulat ni Ellen Fernando)