Ayon kay Sen. Roxas, walang karapatan ang mga ganitong klaseng paaralan dahil sa halip na makatulong sa mga kabataan ay nagpapababa pa ng kalidad ng edukasyon.
Sa kanyang Senate Resolution 198, sinabi ni Roxas na ang mahinang rating ng mga top-rated schools ng bansa kumpara sa ibang institusyon sa Asya ay nangangahulugan lang ng pagbaba ng antas ng edukasyon sa bansa.
Nababahala si Roxas sa ulat ng Asiaweek Magazine kung saan nakakuha lang ng ika-48th ang University of the Philippines (UP) habang ang De La Salle University ay 71st, kasunod naman ang Ateneo de Manila University. Ang tatlong eskuwelahan ay siyang tinaguriang top 3 sa bansa.
"We have to find out stricter rules or mandatory review if necessary to weed out under-performing schools. We have to protect the rights of student to adequate instruction, as well as the rights of parents to get their moneys worth," ayon sa Senador.
Nauna ng inatasan ng Commission on Higher Education (CHED) ang 191 unibersidad at kolehiyo sa bansa na tanggalin ang ilang kurso nila at programa kabilang ang accountancy, civil engineering at elementary education dahil sa mababang antas ng pagtuturo.
Sa ilalim ng batas, ang puwede lang gawin ng CHED ay ang mag-evaluate ng programa pero wala itong pangil hinggil naman sa pagpapasara sa mga paaralan na walang mga permit. (Rudy Andal)