Sa House Bill No. 3699 na inihain ni Lanao del Sur Rep. Faysah Dumarpa, ipinaliwanag nito na malaking pera at mahabang panahon ang iginugol ng isang estudyanteng kumuha ng Bachelor of Law pero hindi lahat sa mga ito ay nagiging abogado.
Binigyan na rin aniya ng limitasyon ng Korte Suprema ang pagkuha ng bar exams ng hanggang limang beses lamang kaya nawawalan ng pagkakataon ang "bar flunkers" na limang beses nang sumubok pero hindi naman nakapasa.
"Sad and unfortunate stories had been told about the plight of thousands of bar hopefuls," ani Dumarpa.
Hindi aniya masasayang ang apat na taong ginugol ng isang estudyanteng kumuha ng Bachelor of Law kung gagawin itong equivalent sa Master's degree.
Ipinaliwanag pa ni Dumarpa na maraming tanggapan sa gobyerno ang nangangailangan ng mga empleyado na may Master's degree kaya makatutulong ang kanyang panukala sa mga "bar flunkers" na hindi na maaaring maging abogado.
Magsisilbi aniyang compensatory reward ang pagbibigay ng Master's degree sa mga nagtapos ng Bachelor of Law. (Ulat ni Malou Rongalerios)