Pinoy na bibitayin iaapela ng Palasyo

Iaapela ng pamahalaan sa mga awtoridad ng Brunei na mapababa ang parusang bitay na ipinataw sa isang Pilipinong graphic designer na pumatay sa kanyang nobya noong Mayo 2003.

Ayon kay Press Sec. at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, gagamitin ng pamahalaan ang mga hakbanging diplomatiko at legal para mapatawan na lang ng mas mababang sentensya si Ibrahim Bin Abdullas Puzone, 50, matapos na pagsasaksakin hanggang sa mapatay ang kanyang nobyang si Vilma Talal Misal, 25-anyos.

Sinabi ni Bunye na sa pamamagitan ng tulong na legal, matitiyak na mapoprotektahan ang kanyang karapatan sa ilalim ng batas ng Brunei.

"We shall exhaust all legal and diplomatic measures in appealing for a lesser sentence for our convicted national, to ensure that his rights are protected under the laws of the host country," ani Bunye.

Sinabi pa ni Bunye na matamang nagmamatyag ang pamahalaan sa lahat ng may kasong Pinoy sa ibang bansa para mapangalagaan ang kanilang kapakanan at karapatan.

Ang parusang death by hanging ay ipinataw ni Judge Dato Paduka Steven Chong kay Puzone sa kabila ng depensa ng kanyang abogado na may diperensya sa pag-iisip ang akusado na nagtangka ring magpakamatay matapos isagawa ang krimen. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments