Lacson, Angara pagbabatiin ni Erap

Aayusin ni dating Pangulong Joseph Estrada ang gulo sa oposisyon sa pamamagitan ng pagbabati sa dalawang haligi ng partido na sina Senador Panfilo Lacson at Edgardo Angara.

Ipinahayag ni Sen. Jinggoy Estrada na ang pagbubuklod ng oposisyon ang magiging prayoridad ng kanyang ama kapag nakabalik na ito sa Pilipinas mula sa tatlong linggong pagpapagamot nito sa Hong Kong.

Ani Jinggoy, hindi umano komportable ang kanyang ama na makita na nabibiyak ang oposisyon dahil sa bangayan nina Lacson at Angara.

Matatandaan na ito rin ang inirekomenda ni Senate minority leader Aquilino Pimentel Jr. noong kasagsagan ng panawagan na pamunuan ni Susan Roces ang oposisyon matapos na mamayapa ang kanyang asawang si Fernando Poe Jr.

Nagsimula ang bangayan nina Angara at Lacson noong kasagsagan sa presidential elections kung saan tumulong ang una sa kandidatura ni Poe sa Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) samantalang si Lacson ay nagsarili sa Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP).

Matapos ang eleksyon,bagaman parehong natalo ang dalawa ay lalo pang nag-init ang bangayan nang akusahan ni Angara na makapili si Lacson dahil sa pakikipagsabwatan sa Malacañang upang matalo si Poe.

Makalipas ang ilang buwan, si Angara naman ang nalagay sa kontrobersya matapos na mabuking ang sikretong pakikipag-usap nito kay Pangulong Arroyo sa Makati City dahil sa alok na ilalagay ito bilang isang miyembro ng Gabinete.

Samantala, itinanggi ni Jinggoy ang report na bumubuo ng shadow government ang kanyang ama habang nasa Hong Kong.

Ito’y matapos na pagdudahan ang sabay-sabay na pangtungo sa Hong Kong ng mga opposition officials na sina Philipp Medalla, dating chief ng NEDA; Jose Pardo ng Finance; Benjamin Diokno ng DBM; Virgilio Vigilar ng DPWH; Alberto Romualdez ng DOH at Horacio Boy Morales ng DAR.

Ang mga cabinet members na ito ang nasa tabi ni Estrada nang umalis ito sa Malacañang bunga ng ikalawang EDSA Revolution noong Enero 2001.

Ayon kay Jinggoy, walang dapat ikabahala ang administrasyong Arroyo sa biglaang pagbisita sa Hong Kong ng mga dating miyembro ng Gabinete ni Erap dahil walang balak magtayo ng shadow government ang kanyang ama.

Si Jinggoy ay nakatakdang umuwi ngayon o bukas sa Pilipinas mula sa Hong Kong subalit muling humirit ito sa Sandiganbayan na muling bumalik doon. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments