"Ang sakit-sakit," ani Erap sa isang panayam sa telepono.
Maging si Sen. Jinggoy Estrada ay nagsabing namimilipit pa rin sa sakit ang kanyang ama matapos na magising ito mula sa apat na oras na operasyon nito sa Hong Kong Adventist Hospital na isinagawa ni Dr. Julian Chang na inasistehan ni Dr. Christopher Mow.
Sinabi ni Jinggoy na ito ang unang pagkakataong sumailalim sa major surgery ang ama kaya buo ang suportang ibinibigay dito ngayon ng kanyang pamilya na kasalukuyang nasa tabi nito at kapiling sa Hong Kong.
Muli namang nangako si Estrada na babalik sa bansa sa takdang araw na ibinigay sa kanya ng korte.
Aniya, sa pagbabalik niya ay muli nitong palalakasin ang opposition party at ipagpapatuloy niya ang paglaban sa korapsiyon at katiwalian.
"Palalawakin natin ang oposisyon. Walang kuwenta ang demokrasya kung mahina ang oposisyon," ani Erap.
Hindi aniya siya titigil at ipagpapatuloy niya ang nasimulang pangarap ng kanyang matalik na kaibigang sumakabilang-buhay na si action king Fernando Poe Jr.
Binigyan ng Sandiganbayan si Erap ng hanggang Enero 15, 2005 upang manatili sa Hong Kong. (Ulat nina Malou Rongalerios/Rudy Andal)