Ayon kay Gen. Abu, handa niyang akuin ang responsibilidad sa anumang magaganap na korapsyon sa hanay ng militar sa ilalim ng kanyang liderato.
Nang iluklok siya bilang kapalit ni Gen. Narciso Abaya bilang chief of staff kamakalawa, unang naging kautusan ni Abu ang pagbuwag sa office of the deputy chief of staff for comptrollership o J-6 na dating pinamumunuan ng suspendidong si Major Gen. Carlos Garcia.
Iginiit ni Abu na walang puwang ang corruption sa ilalim ng kanyang pamumuno sa AFP at wala siyang sasantuhin sakaling matuklasan niyang mayroong tiwaling sundalo o heneral sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Samantala, tahasang sinabi ng maybahay ni Gen. Abu na si Lorna Abu na hindi siya makikialam sa official function ng militar pero all out naman ang ibibigay niyang support sa kanyang mister.
Ayon kay Mrs. Abu, bagamat siya ang mamumuno sa Ladies Club na kilalang makapangyarihang unit sa AFP, ayaw niyang makisawsaw upang hindi siya madawit sa kontrobersya.
"I dont need acting in the limelight, gusto ko simple lang, natural we will just do our work, kasi kailangan yung trabaho mo should not be announced," wika pa ng maybahay ng bagong AFP chief.
Tumanggi naman si Mrs. Abu na banggitin ang pangalan ng mga asawa ng heneral na may kinalaman sa mga katiwalian sa AFP. (Ulat ni Angie dela Cruz)