Ayon sa mga kawani na tumangging ipabanggit ang pangalan, monopolyo ni Dr. Frank Velarde ang supply ng spare parts sa LRT na nagkakahalaga ng P700 milyon kada taon.
Si Dr. Velarde ay anak ni Bro. Mike na sinasabing nakapag-ambag ng malaki sa botong nakuha ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa nakaraang eleksiyon. Bilang pagtanaw ng utang na loob, itinalaga ni GMA si Mel Robles, tumatayong spokesman ni Velarde na administrator ng LRTA.
Sinabi ng source na ang anak ng charismatic leader ang kumakatawan sa contractor na Bombardier na pag-aari ng Belgium company.
"Ibang-iba na ang nangyayari sa LRT ngayon. Naging El Shaddai country na magmula nang dumating si Robles. Kulang na lamang magtaas kami ng itlog at magpayong nang pabaligtad para matawag na kaming El Shaddai transit," pahayag ng mga umaalmang kawani.
Nagbanta pa ang mga empleyado ng LRTA na magsasagawa sila ng work stoppage kahit "ginagapang" ni Robles ang ilan sa kanilang mga lider-manggagawa. (Doris Franche)