Sa tatlong pahinang report sa ipinalabas ng Automotive Research and Testing Center (ARTC) mula sa Changhwa Hsien, Taiwan, napatunayan ang Khaos Super Turbo Charger (KSTC) na imbensiyon ng Pinoy na si Pablo Planas ay isang mabisang instrumento para makatipid ang mga pangde-gasolinang sasakyan. Mabisang solusyon din ito para mabawasan ang lumalalang polusyon sa kapaligaran.
Isang Mitsubishi Freeca ang isinalang sa Environmental Protection and Energy Consumption Laboratory ng ARTC at kinabitan ito ng KSTC. Ang dating 1.0 na carbon demonoxide na lumalabas dito noong wala pa ang naturang gadget ay nagiging 0.1 na lamang nang isalpak ang naturang Pinoy instrument. Namangha ang mga Taiwanese sa naturang resulta na tiyak na dudumugin sa buong mundo.
Sa kasalukuyan, ibat ibang sangay ng pamahalaan na ang nakikipag-ugnayan sa Inventionhaus International Corporation upang higit na mapalago ang produkto ng KSTC. Ang naturang kumpanya ang tumutulong ngayon sa KSTC upang higit pang lumakas ang produksyon ng nasabing device. Matapos ang kumpirmasyon ng Dept. of Energy, bumilib ang Malacañang sa KSTC at inihayag na suportado ito ng pamahalaan. (Ulat ni Ellen Fernando)