Ayon kay Villar, chairman ng Senate committee on finance, mali at mapanliit ang planong ito ng SSS dahil ang mga karaniwang manggagawa ang direkta nitong maaapektuhan.
Mistula aniyang ipinapako ng gobyerno sa krus ang taumbayan dahil ito ang pinapahirapan sa kapalpakan ng mga opisyal ng SSS na hawakan at pamahalaan ng mahusay ang pondo ng ahensiya.
"Para na ring tinapyasan ng gobyerno ang suweldo ng mga manggagawa sa planong ito ng SSS," ani Villar.
Plano ng SSS na taasan ang kasalukuyang buwanang kontribusyon ng 8.4 hanggang 22 porsiyento sa susunod na anim na taon upang maiwasan ang pangkabangkarote ng ahensiya.
Kaugnay nito, iminungkahi ng senador sa mga opisyal ng SSS na pagbutihin muna ang koleksiyon nito bago magpatupad ng umento sa kontribusyon ng kanilang mga miyembro.
Ipinabubusisi din nito ang matataas na suweldo at benepisyo ng mga opisyal ng SSS upang makatipid ang ahensiya.
Nagbabala din si Villar na ang planong ito ng SSS ay posibleng magresulta sa pag-ungot ng sektor ng paggawa ng karagdagang suweldo. (Ulat ni Rudy Andal)