German trader inambus, patay

Isang negosyanteng German national ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng di-kilalang salarin sa tapat ng isang videoke bar sa Digos City, Davao del Sur kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Davao del Sur Hospital ang biktima na kinilalang si Reiner Frankie, 48, may-asawa, may-ari ng Jenn Robb Beach sa Purok 7, Bonilao, Balutakay, Hagonoy ng nasabing lalawigan at tubong #22419 Hamburgee, Germany.

Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8:25 ng gabi sa harapan ng Mim videoke bar na matatagpuan sa Rizal Avenue, Digos City.

Nabatid na habang nagpa-park ng kanyang sasakyan si Frankie ay bigla na lamang sumulpot ang isang di-kilalang gunman.

Armado umano ng kalibre. 45 pistol ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima.

Matapos na maisakatuparan ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi mabatid na direksyon.

Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente ang mga basyo ng bala na ginamit sa pamamaslang sa nasabing mayamang dayuhan.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa krimen at sa posibilidad na may kinalaman ito sa negosyo. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments