Sa kanyang talumpati sa Camp Crame sa ginanap na turn-over ceremony, sinabi ni Aglipay na parte ito ng kanyang priority programs na kanyang tinaguriang C.A.R.E (Courtesy, Action, Results and Example) upang mabalik ang pagtitiwala ng mamamayan sa ahensiya ng pulisya.
Hinamon ni Aglipay ang mga hepe ng pulisya na magpakita ng resulta kada buwan sa kanilang kampanya laban sa mga malalaking sindikato at kriminalidad kabilang ang paglutas sa mga tinaguriang "unsolved cases" at pagtugis sa mga nasa listahan ng wanted persons.
Binigyan ni Aglipay ng pitong araw ang bawat presinto upang maglabas ng listahan ng mga sindikato, ng mga wanted persons at unsolved cases sa lugar na kanilang nasasakupan.
Sinabi pa ni Aglipay na oobligahin niya ang mga opisyal ng pulisya na makahuli ng limang kriminal mula sa 100 wanted sa kanilang talaan kada buwan at makaresolba ng 5 kaso mula sa 100 unsolved cases per month.
Iginiit ni Aglipay, nakasalalay ang ikatatagal sa puwesto ng bawat hepe ng pulisya, provincial director at regional directors sa kanilang pagsunod sa naturang performance goal.
"Sisikapin ko na mas maraming kaso ang malulutas sa lalong madaling panahon, na wala nang mga wanted criminals na di kayang abutin ng kamay ng batas, at wala ng sindikato na maghari-harian, dahil ito ang gagawin kong batayan kung ang isang chief of police, provincial director at regional director ay tatagal sa kanyang puwesto," sabi pa ni Aglipay.
Kasama rin sa C.A.R.E program ni Aglipay ay ang pag-aral sa mga benepisyong ipinagkaloob sa mga pulis at sa pamilya nito.
Pinasalamatan ni Aglipay si Pangulong Arroyo sa pagpapalawig ng kanyang termino ng anim na buwan o hanggang sa Marso ng susunod na taon.(Ulat ni Joy Cantos)