Ito ang sinabi kahapon ni Agusan del Sur Rep. Rodolfo Plaza kaugnay sa ginawang Cabinet revamp kamakalawa kung saan pinangalanan na ang bagong mga miyembro ng kanyang Gabinete.
Ayon kay Plaza, mistula aniyang naisantabi ng Pangulo ang konsiderasyon sa bigat ng kuwalipikasyon ng mga appointees at mas nabigyan ng halaga ang pagbabayad ng utang na loob sa mga kaalyado nito sa pulitika.
Lumilitaw na hindi mahalaga kung ano ang magagawa sa bansa kundi kung ano ang nagawa nila sa Pangulo noong kampanya.
Sinabi naman ng Palasyo sa mga kritiko na bigyan ng pagkakataon na makapagpakita ng kanilang kakayahan ang mga bagong hirang na mga opisyal sa halip na pintasan kaagad ang mga ito.
Sa susunod na linggo ay ihahayag naman kung mananatili sa puwesto o papalitan ang mga kalihim ng Budget and Management, DOLE, Economic Planning, DPWH, DSWD, DOTC at DOH.
Kabilang sa mga bagong miyembro ng Gabinete sina Eduardo Ermita, Executive Secretary: DFA, Alberto Romulo; Defense, Avelino Cruz; DepEd, Florencio Abad; DENR, Michael Defensor; Justice, Raul Gonzales; Housing and Urban Development Coordinating Council, Vice Pres. Noli de Castro; National Security Adviser Hermogenes Ebdane Jr.; Tourism, Joseph Ace Durano; Press Secretary, Ignacio Bunye at PNP Chief, Edgardo Aglipay. (Ulat nina Malou Rongalerios/Lilia Tolentino)