Batay sa paunang ulat, sina Army Lt. Ronaldo Fidelino at Private 1st Class Ronel Nemeno ay itinurn-over ng Romulo Jallores Command, ang grupo ng NPA na bumihag sa mga ito, sa mga kinatawan ng International Committee of the Red Cross (ICRC) pasado alas-5 ng hapon.
Mula sa ICRC ay naglakbay pa ang mga ito hanggang sa maibigay naman ng ICRC sa mga naghihintay na kinatawan ng GRP peace panel at kanilang pamilya dakong 5:45 ng hapon.
Matapos sumailalim sa medical examination ay dadain rin sa masusing de-briefing ang dalawang sundalo upang makatiyak na hindi ang mga ito nadoktrinahan ng mga rebeldeng komunista.
Sinabi naman ni Defense Sec. Eduardo Ermita na malaki ang maitutulong ng pagpapalaya ng mga rebeldeng NPA sa dalawang sundalo sa pag-usad ng peace talks sa pagitan ng pamahalaan at komunistang grupo.
Ayon kay Ermita, ang pagpapalaya sa mga bihag ay magsisilbing confidence-building measure sa negosasyong pangkapayaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Phils. (GRP) at National Democratic Front (NDF) peace panels.
Sina Fidelino at Nemeno, pawang kasapi ng Armys 42nd Infantry Batallion ay dinukot ng mga rebeldeng NPA nitong nakalipas na Marso 1 sa Tinambac, Camarines Sur.
Nitong nakalipas na Hulyo 27 ay ipinatupad ng gobyerno ang Suspension of Military and Police Operations (SOMO) upang mabigyang daan ang pagpapalaya sa dalawang bihag na sundalo. (Ulat nina Joy Cantos/Ed Casulla)