Isinusulong na ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na magtanggal ng mga empleyado ng gobyerno para lalong makatipid at mapaliit ang government bureaucracy.
Unang tatamaan sa bureaucratic re-engineering o streamlining ang buong executive branch ng gobyerno.
Sa House Bill No. 1532 ni Antipolo Rep. Victor Sumulong, ipinaliwanag nito na panahon na upang magbawas ng mga empleyado ang pamahalaan dahil napupunta lamang sa sahod ng mga ito ang 60-70 porsiyento ng pondo ng pamahalaan.
Isa aniya sa mga dahilan nang napakalaking budget deficit ng bansa ay ang napakalaking bureaucracy kaya ang gobyerno ngayon ang lumalabas na pinakamalaking "employer" sa Pilipinas.
"With such a bloated bureaucracy, serious problems such as duplication and overlapping of functions, redundancy and other similar bureaucratic dysfunctions usually occur," paliwanag ni Sumulong.
Umaabot na sa 1.2 milyon ang mga empleyado sa national government. Hindi pa kasama sa nasabing bilang ang libu-libong empleyado sa ibat ibang panig ng bansa.
Nito lamang nakalipas na 12th Congress, inaprubahan ng Committees on Government Reorganization, Civil Service at Professional Regulations, at Appropriations ang planong pagpapaliit ng burukrasya.
Ang mga maapektuhang empleyado ay makakatanggap ng "gratuity package" kung saan ang mga nakapag-serbisyo ng 10 taon pababa ay pagkakalooban ng 1 1/4 months ng kanilang sahod sa bawat taon na silay nagserbisyo sa gobyerno.
Ang mga nagserbisyo ng mula 11-20 taon ay pagkakalooban ng 1 1/2 months ng kanilang basic salary sa bawat taon ng kanilang serbisyo.
Pagkakalooban naman ng 1 3/4 months ng kanilang basic salary ang mga empleyado na nagserbisyo ng mula 21-30 taon at katumbas ng 2 months basic salary ang matatanggap ng mga empleyado na nagserbisyo ng mula 31 taon pataas. (Ulat ni Malou Rongalerios)