^

Bansa

VIP welcome kay Angelo: Home again !

-
Dumating na kahapon sa bansa ang Pinoy truck driver na biktima ng panghohostage sa Iraq na si Angelo dela Cruz kasama ang kanyang maybahay, kapatid at mga opisyales ng pamahalaan na naging daan upang mailigtas ang kanyang buhay.

Dakong 1:45 ng hapon ng lumapag ang sinasakyan ni dela Cruz na Gulf Air flight 254 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasama ang kanyang asawang si Arsenia at opisyales na sina special envoy to the Middle East Roy Cimatu, Foreign Affairs Undersec. Rafael Seguis, Labor Sec. Patricia Sto. Tomas at Ambassador Amable Aguiluz V. Napaaga ang uwi nina dela Cruz matapos na pumayag ang Gulf Air na makasakay silang lahat.

Sumalubong naman sa mga ito sina Sen. Lito Lapid, Pampanga Gov. Mark Lapid, OWWA Administrator Virgilio Angelo at MIAA general manager Ed Manda.

Sa isinagawang press conference na ginanap sa Gate 16 ng NAIA, nagpasalamat si dela Cruz kay Pangulong Arroyo dahil sa kanyang naging malasakit dito.

"Nagpapasalamat ako kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil pinahalagahan niya ang aking buhay at ito ay hindi ko kailanman makakalimutan," ani dela Cruz na nakasuot ng puting t-shirt na may nakasulat na "Ako’y Pilipino" at naka-maong pants.

Nagpasalamat din si Angelo sa sambayanang Pilipino na sumuporta sa kanyang pamilya at nagdasal para sa kanyang kaligtasan, gayundin sa taong naging instrumento sa kanyang paglaya.

Sa kanyang pahayag, sinabi rin ni Angelo na hindi siya sinaktan ng mga taong dumukot sa kanya habang hostage siya ng mga ito kaya kung siya ang tatanungin, hindi na umano dapat parusahan pa ang mga ito dahil sa naging magandang pagtrato nila sa kanya.

Sinabi ni dela Cruz na matapos ang kanyang naging karanasan ay nagpasya itong dito muna siya sa Pilipinas maghahanap ng trabaho.

Tumanggi na si Angelo na sagutin pa ang ilang mga katanungan mula sa media dahil magulo pa umano ang kanyang isip.

"Bigyan ninyo muna ako ng pagkakataon makapagpahinga at makapiling ang aking mag-anak," pakiusap pa ni Angelo.

Mula sa airport ay idineretso si dela Cruz sa DSWD compound sa Batasan, Quezon City upang magkaroon sila ng kaunting privacy ng kanyang pamilya, bago sila tutungo sa kanyang lalawigan sa Bgy. Buenavista, Mexico, Pampanga.

Ngayong umaga uuwi si dela Cruz sa Pampanga para sa hero’s welcome na inihanda para sa kanya ng buong bayan ng Mexico at bandang hapon ay inaasahang makakasama ito ni Pangulong Arroyo para sa isang thanksgiving mass sa Our Lady of Rosales sa Rosales, Pangasinan.

Sinabi naman ni Cimatu sa isang press briefing na naging isang malaking hamon sa kanya ang misyong iligtas si dela Cruz kumpara sa pinagdaanang uri ng trabaho sa pagiging sundalo. Sinabi anya nito sa sarili na kailangang maiuwi niya ng buhay sa Pilipinas ang naturang Pinoy.

Pinabulaanan rin nina Cimatu at Aguiluz na nagkaroon ng $6 milyong ransom kapalit ng ulo ni Angelo.

Ayon naman kay Sto. Tomas, upang maiwasan muli ang naganap kay Angelo ay nagsagawa sila ng bagong polisiya na ia-apply sa mga OFWs sa Middle East kabilang na dito ang pagbabawal sa mga Pinoy truck drivers na maglakbay at pumasok sa border ng Iraq kung saan kritikal na lugar ito at pinamumugaran ng mga Iraqi militants na nambibihag ng foreign workers. (Ulat nina Butch Quejada at Ellen Fernando)

ADMINISTRATOR VIRGILIO ANGELO

ANGELO

CRUZ

DELA

GULF AIR

KANYANG

PANGULONG ARROYO

PINOY

SINABI

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with